Mas lalong lumakas ang panawagang boycott isang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos manawagan ang isang grupo ng mga kabataang mag-aaral mula sa tatlong malalaking unibersidad sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng hindi pagbukas ng telebis-yon, radyo at anumang de-kuryenteng gamit ng komunikasyon na puwedeng gamitin ng gobyerno upang ipadaan ang SONA, hindi lamang makaiwas sa kasinungalingan umano ng Pangulo kundi makakatipid din sa konsumo sa kuryente. “Huwag nating hayaang makontamina ng virus dulot ng kasinungalingan ni Gng. Arroyo ang ating mga TV, radio, iPod at kompyuter,” apela ng grupong Youth Against Debt (YAD) sa publiko sa oras ng SONA ng Pangulo. Ang YAD ay binubuo ng pinagsanib na grupo ng mga estudyante ng University of the Philippines, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Adamson University. Partikular na binabatikos ng YAD ang hindi makatarungang debt servicing at ang hindi pagsasaprayoridad ng edukasyon. Sa kompyutasyon ng Freedom from Debt Coalition (FDC), makakatipid umano ang bawat pamilyang Pinoy ng P10 hanggang P14 kung hindi magbubukas ng TV, radyo, at kompyuter sa 40-minutong SONA ni Arroyo. Sa suma-tutal ng 11 milyong households, makakatipid umano ng hanggang P150 milyon, o 3 gigawatts ng elektrisidad ang matitipid. Tinawag naman ng United Opposition (UNO) na “same old nonsense from the administration” ang gagawing SONA ngayong araw. “Walang maniniwala pa kay GMA. Mas atin pa sigurong bibigyan siya ng kaukulang pansin kung sasabihin niya ang tunay na kalagayan ng ating bansa lalung-lalo na sa mga krisis na ating kinakaharap,” ani UNO president at Makati City Mayor Jejomar Binay. Sa hanay ng oposisyon, deklarado sina Senate minority floor leader Aquilino Pimentel Jr., Sen. Panfilo Lacson at Sen. Benigno Aquino III sa pagboykot sa SONA. Maging si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, nagdeklara rin ng boykot at nagsilbi pang spokesman ng kanyang mga magulang upang kumpirmahin ang pag-isnab nina dating Pangulong Joseph Estrada at dating senadora Luisa “Dra. Loi’ Ejercito-Estrada sa imbitasyon ng MalacaƱang. Iisa ang naging rason ng tatlong senador, na hindi pag-aaksayahan ng oras ang makinig sa pambobola Mrs. Arroyo at paglalahad ng kasinungalingan sa publiko. “Tulad ng dati, motherhood statement, tapos baliktad ang gagawin,” ayon naman kay Aquino. Maging si Sen. Joker Arroyo, kilalang kakampi at tagapagtanggol ni Mrs. Arroyo, nang-insulto sa magiging laman ng talumpati ng Pangulo, katulad ang alegasyong puro pangako ito. “Hindi ako a-attend, fairy land yan. Lahat naman ng Presidente, di ako uma-attend ng SONA. Bakit ako attend, pupurihin lang ang sarili, then mangangako, alam mo na ang mangyayari,” ani Arroyo.
SOURCE URL: http://abante-tonite.com/issue/july2808/news_story3.htm
|